BETA

MESSAGE FROM THE MAYOR

2016 STATE OF THE CITY ADDRESS (SOCA)

SA LUNGSOD NG MUNTINLUPA

“MUNTINLUPA: TUNGO SA MAKABAGONG YUGTO NG PAG-UNLAD”

Mayor Jaime R. Fresnedi

March 1, 2016

Muntinlupa Sports Complex

 

 

JULY 1, 2013 – Unang araw ng aking muling panunungkulan bilang inyong Punonglungsod, kaya naman ako ay nagpapasalamat sa muli ninyong pagtitiwala.

 

First order of the day, tingnan natin ang kalagayan ng ating pananalapi.  Atin pong nakita na ang ating lungsod ay may pagkakautang na humigit-kumulang dalawang bilyong piso.  At sa bangko pa lamang, tayo ay nagbabayad na ng 200 milyong piso kada taon, at ito’y babayaran natin  hanggang 2019. As of February 29, 2016, ang ating pagkakautang ay 585 million pesos na lamang.

 

Makalipas ang dalawang taon at walong buwan, bagamat hindi naging madali, ginawa natin ang lahat ng ating makakaya upang unti-unting maisakatuparan ang mga programa at proyektong sasagot sa pangangailangan ng ating mga mamamayan.

 

Tayo ay bumili ng mga lupa.

 

  • 1.5 hectares sa Brgy. Cupang na ngayon ay pinapatayuan na ng school buildings sa senior high school sa pamamagitan ng tanggapan ni Congressman Pong Biazon;
  • 1 hectare sa tabi ng Sports Complex Tunasan na pagtatayuan natin ng Olympic size swimming pool;
  • 3,740 square meters sa Brgy Putatan na ngayon ay tinatayuan natin ng isang Bahay Pag-asa para sa mga batang-hamog;
  • 4.3 hectares sa Lakeview Putatan na kung saan ang 2 hectares ay para sa isang high school, at ang natitira naman ay ilalaan sa pabahay para sa mga empleyado, guro at kapulisan, at isang health center; at
  • 1.6 hectares sa Brgy. Sucat na patatayuan natin ng isang kolehiyo.  Mayroon na pong nakalaan na mahigit 200 milyong piso na pondo para dito.

 

EDUKASYON AT KABATAAN

 

Nangunguna ang edukasyon sa mga binigyan natin ng prayoridad.

 

Sa Early Childhood programs, humigit-kumulang 6,300 na mga bata ang nakapag-aral sa tulong ng ating daycare services program nitong 2015.

 

Tayo ay pinagkalooban ng Regional Committee for the Welfare of Children ng DSWD at DILG ng “Seal of Child-Friendly Local Governance”.

 

Noong 2013, ang pondo na inilaan ng dating Mayor para sa scholarship ay 21.5 million pesos, ngunit 5 million pesos lamang dito ang nagamit ng dating administrasyon.

 

Noong 2014, ginawa natin itong 50 million pesos.

 

Taong 2015 – 100 million pesos.

 

Ngayong 2016 - 150 million.  Kung isasama natin ang PLMun Iskolar ng Bayan, ito ay aabot ng 163 million pesos.

 

Mula 1,503 MSP Scholars noong 2013, ngayon ay mayroon na tayong 31,658 na mga scholars.

Binibigyan din natin ng cash incentives ang mga mag-aaral na nagtapos ng may latin honors o naging topnotchers sa mga board exams.

 

Summa cum laude – 20,000 pesos

 

Magna cum laude- 15,000 pesos

 

At cum laude  - 10,000 pesos.

 

Sa mga board topnotchers,

 Top 1 – 100,000 pesos

 

 Top 2 hanggang Top 10 – 25,000 pesos

 

Nabigyan ng ISO Certification ang Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa.

 

Sa sports development program, kinilala at binibigyan natin ng cash incentives at scholarship ang mga kabataang atleta na nagpamalas ng kanilang galing sa iba’t-ibang sports competitions.

 

Patuloy din ang pagpapatayo natin at pag-a-upgrade ng mga school buildings at iba pang pasilidad sa ating Lungsod.

 

Ang kabataan ang ating karangalan.

 

KALUSUGAN

 

Binigyan natin ng karagdagang ambulansya ang bawat barangay ng ating lungsod.

 

Pinasinayaan din natin ang dalawang bagong health centers sa Brgy. Putatan at Brgy. Bayanan.

 

Binuksan natin ang lying-in clinics sa Brgy. Putatan at Southville 3, Poblacion.

 

Gayundin ang mga health centers sa Sitio Bagong Silang at Sucat na isinaayos sa pakikipagtulungan ng Department of Health.

 

Sa Ospital ng Muntinlupa, bumili tayo ng mga bagong kagamitan na nagkakahalaga ng humigit-kumulang isang daang milyong piso.  Kaya naman mayroon na tayong libreng laparoscopy, libreng colonoscopy, libreng endoscopy, mga libreng operasyon sa goiter, hernia at iba pa.

 

Dumating na din po ang makina para sa cataract operation.  Kaya naman bago matapos ang Marso, magkakaroon na din tayo ng libreng operasyon sa katarata.

 

Sa tulong ng Muntinlupa Care Card, mas napabilis at napaganda ang pagkuha ng serbisyo tulad ng 25 – 75% medical subsidy, at “no balance billing” sa mga kwalipikadong pasyente.

 

Sa libreng dialysis sessions, mula 45 ginawa na po nating 90 sessions kada taon.  Patuloy din ang online rapid enrolment o ORE para makakuha ng agarang benepisyo ng Philhealth ang mga hindi pa miyembro nito.

 

Meron na rin pong PCSO HelpDesk sa OsMun upang hindi na kailangan pang pumunta sa PCSO Main Office dahil sa Ospital na lamang ito ipoproseso at online na ang approval. Ang OsMun po ang kauna-unahang LGU Hospital na nabigyan ng ganitong pribilehiyo.

 

TRABAHO AT KABUHAYAN

 

Patuloy ang Dagdag-Puhunang Walang Tubo Program. 38.7 million pesos na ang ipinahiram natin sa 5,350 na maliliit na negosyante.  Ngayong taon, pinondohan po natin ang programa ng 30 million pesos.  Tinulungan din po natin sila sa mga financial literacy seminars at livelihood trainings sa pamamagitan ng STAR Program sa tulong ng TESDA at Coca-Cola.

 

Maganda ang ating pakikipag-ugnayan sa DOLE kaya naman naisakatuparan ang mga programa gaya ng SPES, TUPAD, Government Internship Program o GIP, at iba pa.

 

Patuloy din ang pagsasagawa natin ng mga in-house, barangay, at mga mega jobs fair sa mga malls upang matugunan ang pangangailangan ng mga employers at mga naghahanap ng trabaho sa Lungsod.

 

Nagbigay din tayo ng suporta sa mga technical-vocational graduates sa kanilang NC II o national certification exam na makatutulong sa kanilang pagkakaroon ng trabaho.

 

KAPAYAPAAN AT KAAYUSAN

 

Bumili ang Pamahalaang Lungsod ng mga bagong sasakyan at kagamitang magagamit ng ating PNP, POSO, DRRMO, MTMB at iba pa.

 

Nariyan ang 16 service vehicles, 49 motorcycles, mga handheld at base radios, thermal imaging devices,  Kevlar helmets, bullet proof vests at iba pang kagamitan para sa preparedness at rescue operations.

 

Kasalukuyang itinatayo ang Police Headquarters sa Laguerta, at Fire Station at Resiliency Building sa Susana Heights.  Dito natin ilalagay ang Command Center na magmo-monitor ng mga kaganapan sa ating Lungsod.

 

Tuloy-tuloy din ang mga seminars, trainings, at drills na ginagawa ng DRRMO at City Rescue upang ihanda ang lahat ng sektor sa pagdating ng sakuna o kalamidad.

 

Bumaba naman ng 59% ang ating crime incidence mula 1,601 noong 2014 hanggang 662 nitong 2015.

 

Bilang insentibo, tayo ay nagbibigay ng educational assistance sa mga pulis at kanilang mga dependents.

 

PABAHAY

 

Matatag ang ating partnership sa mga non-government organizations, national government agencies, at mga pribadong korporasyon para sa mga proyektong pabahay.  Nariyan ang DILG, National Housing Authority, Presidential Commission for the Urban Poor, Gawad-Kalinga, Canada World of Housing Corporation, Manulife, Shell Foundation, at iba pa.

 

Naisakatuparan na rin natin ang pabahay ng GK-Manulife sa Soldiers Hills, Putatan, at GK-Laguerta Village.

 

Kaugnay nito, nagpahiram tayo ng pondo bilang interim financing para sa iba’t-ibang community associations na tinutulungan natin sa kanilang CMP application katuwang ang Socialized Housing Finance Corporation.

 

IMPRASTRAKTURA AT ECONOMIC DEVELOPMENT

 

Inilunsad natin ang Single Window Transaction o SWiT kung saan ang kliyente ay dadaan sa iisang staff na lamang para sa buong proseso ng kaniyang pagpaparehistro. Tinanghal na runner-up ang SWiT sa ginanap na International Best Practice Competition noong November 2015 kasama ang iba pang kalahok mula sa walong bansa.

 

Ayon sa ulat ng Department of Finance,  sa humigit-kumulang 145 na mga lungsod sa buong Pilipinas, Top 10 ang Muntinlupa sa may pinakamalaking na-ge-generate na locally-sourced income, kahanay ang iba pang mauunlad na lungsod sa bansa.

 

Kaugnay nito, patuloy din nating kinikilala ang Top 10 Business Taxpayers sa ating Lungsod.

 

  • Ford Group Philippines
  • Filinvest Alabang
  • Amkor Technology
  • Alabang Commercial Corporation
  • MERALCO
  • Toyota Alabang
  • Filinvest Land
  • Zuellig Pharma
  • Insular Life, at
  • Concepcion-Carrier Air Conditioning

 

Atin naman pong tunghayan sa screen ang mga infrastructure projects na atin nang naisakatuparan:

 

(Video Clip)

 

Sa mga ONGOING na mga proyekto, tunghayan din po ninyo ang mga ito.

 

 (Video Clip)

 

Hindi matatawaran ang tulong na ibinibigay sa atin ni Congressman Pong Biazon.  Bilang kinatawan natin sa Kongreso, siya ang nanguna sa pakikipag-ugnayan sa mga national government agencies upang maibaba sa mga Muntinlupeno ang iba’t-ibang proyekto at serbisyo.

 

Nariyan ang mga pagpapatayo ng resiliency building, senior high school at iba pang school buildings, riprapping at mga flood control projects sa Lungsod.

 

KALIKASAN

 

Inaprubahan na ng National Solid Waste Management Commission ang 10-Year Solid Waste Management Plan ng lungsod.  Kasama sa plano ang mas pinaigting na information campaign patungkol sa mga programang pangkalikasan, at pagtatayo ng Material Recovery Facility o MRF sa lahat ng barangay at mga paaralan sa Lungsod.

 

Kinilala tayo ng DOST bilang kauna-unahang LGU na nag-adopt ng bioreactor technology.  Ang mga bioreactors natin sa Pacwood Site at Muntinlupa Public Market ay ginagamit natin upang maproseso ang mga biodegradable waste na ibinibigay natin sa mga komunidad at paaralan bilang fertilizer.

 

Binuhay natin ang Jamboree Lake na kamakailan lamang ay pinagdausan natin ng fishing competition.

 

Bukod sa lakeseeding sa Lawa ng Laguna, naglagay tayo ng sarili nating fish hatchery sa Bayanan, at binuhay natin ang fish sanctuary sa Sucat.

 

Mula sa ating hatchery, nakapagbigay tayo ng humigit kumulang 250,000 fingerlings sa ating mga maliliit na mangingisda.

 

GOOD GOVERNANCE

 

Mabuting Pamamahala – ito ang patuloy nating pinaiiral sa ating Lungsod.

 

 Inilunsad natin ang Muntinlupa Care Card katuwang ang Lingkod Muntinlupa Foundation.  Ito ang isa sa pinaka-komprehensibo nating proyekto na may layuning ipaabot sa lahat ng Muntinlupeno ang serbisyo ng Pamahalaan – scholarship, libreng sakay sa E-Jeep, hospitalization benefits sa OsMun, insurance, at iba pang benepisyo, agarang nakukuha gamit ang isang kard lamang.

 

 Bukod sa updating ng ating Comprehensive Land Use Plan at Zoning Ordinance ng Lungsod, nagsagawa din tayo ng Community-Based Monitoring System o CBMS Census para sa tamang pagpaplano ng angkop na proyekto para sa bawat Muntinlupeno.

 

Pinalakas natin ang ating mga sisterhood relations sa iba pang bayan at lungsod – lokal at internasyonal.  Binuhay natin ang ating sister-city agreement sa Lungsod ng Takasaki Japan na hindi nabigyan ng pansin ng nakaraang administrasyon.

 

Kinikilala din natin ang ating mga kaibigan mula sa Liuzhou, China.

 

Hindi magiging posible ang katuparan ng mga programa kung hindi dahil sa kontribusyon ng bawat isang kawani ng Pamahalaang Lungsod.  Kinikilala natin ang ating mga model employees at nag-gawad ng Loyalty Award para sa mga kawaning hindi matatawaran ang paglilingkod sa loob ng mahabang panahon.

 

Sa patuloy nating pagsisikap na maiayos ang ating pamamahala, nakamit natin ang iba’t-ibang pagkilala:

 

  • Seal of Good Financial Housekeeping mula sa DILG noong February 25, 2015;
  • ISO Certification mula sa BRS-Rim of World Operations noong April 27, 2015;
  • Kampeon ng Wika Award mula sa Komisyon sa Wikang Filipino noong August 20, 2015;
  • Seal of Good Local Governance mula pa rin sa DILG noong September 7, 2015;
  • Special Citation bilang isa sa mga Most Business-Friendly LGU’s mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry noong October 20, 2015;
  • Runner-Up sa International Best Practice Competition mula sa DAP at Centre for Organizational Excellence Research para sa ating Single Window Transaction noong November 27, 2015;
  • Jose Rizal Award at Melchora Aquino Award mula sa DOH at Philippine Blood Center noong December 9, 2015;
  • At Seal of Child-Friendly Local Governance mula sa Regional Council for the Welfare of Children ng DSWD at DILG nitong January 22, 2016;

 

Bilang pangwakas, nagpapasalamat ako sa aking pamilya sa kanilang pagmamahal: sa aking maybahay na si Lor, mga anak na si Joma at si Dameii, at sa aking apo na si Neo; sa aking mga kapatid at kanilang pamilya.

 

Taos-puso din akong nagpapasalamat sa tanggapan ni Congressman Pong Biazon at pamilya. Dahil sa lahat ng kanilang suporta, naging mabilis ang paghahatid natin ng mga programang kinakailangang mabigyan ng prayoridad.

 

Gayundin ang aking pasasalamat sa mga punong barangay, mga kagawad at kasama; mga pinuno ng tanggapan at kawani ng Pamahalaang Lungsod; mga taxpayers; sektor ng edukasyon; national government agencies; mga NGO’s; Civil Society Organizations; religious groups; at sa inyo, mga minamahal kong mamamayan.   Salamat sa inyong patuloy na suporta, panalangin, at pagtitiwala.

 

Malayo na ang ating narating kumpara sa sitwasyong dinatnan natin noong 2013.   Marami na tayong naisakatuparan.  Ngunit hindi pa dito nagtatapos ang lahat ‘pagkat marami pa tayong ipagpapatuloy.

 

 Scholarships at Dagdag-Puhunang Walang Tubo – Yan ang ating itutuloy!

 

 Pinagandang serbisyo sa OsMun – Yan ang ating itutuloy!

 

 Mga makabagong gusali at pasilidad - Yan ang ating itutuloy!

 

Huwag na tayong bumalik sa nakaraan.  Bagkus ay patuloy tayong humakbang tungo sa isang Muntinlupa kung saan ang lahat ay kasama at dama ang tunay na kalinga.

 

Batid kong sa kabila ng lahat ng mga proyekto at serbisyong ito, ang tagumpay ay dahil sa patnubay at gabay mula sa ating Panginoon.  Lahat ng papuri at karangalan ay ibinabalik natin sa Kanya. TO GOD BE THE GLORY!

 

Muli, maligayang pagdiriwang ng Araw ng Muntinlupa sa ating lahat.

 

Mabuhay ang mga Muntinlupeno.  Mabuhay ang Lungsod ng Muntinlupa!

 

 

Reach us through our official email address

INFO@YANANGMUNTINLUPA.COM

 

Read our Privacy and Confidentiality